Romulo Jallores (Biography)

Romulo Jallores (Ka Che)

Si Kasamang Romulo Jallores ay pinanganak noong Nobyembre 8, 1945 sa Brgy Moriones sa bayan ng Ocampo, Camarines Sur. Nag-aral siya sa Moriones Public High School at Sta. Clara Academy. Bata pa lamang si Romulo, ayaw na nitong makakita na may inaapi. Ayon sa kanyang ina, ang mga katulong ay ayaw niyang makitang pinagagalitan o inaaba. Kinakampihan niya ang mga kalarong palaging api at talu-talunan. Likas din sa kanya ang pagiging matulungin. Palagi niyang sinasabihan ang kanyang ina na mamigay ng damit sa mga nangangailangan.

Natigil siya sa pag-aaral noong siya ay nasa ikatlong taon sa hayskul dahil sa hirap ng buhay. Pero nagpatuloy ang kanyang hilig sa pagbabasa. Lagi siyang uhaw sa kaalaman at mahilig makipagtalakayan. Gusto niyang alamin ang halos lahat ng bagay, laluna ang tungkol sa tunay na kalagayan ng mahihirap sa kanyang paligid.

Tulad ng iba niyang kapatid, kinailangan niyang lumuwas ng Maynila upang magtrabaho. Sa loob ng limang taon, samu’t saring trabaho ang kanyang pinasukan – naging tagalinis ng kotse, kapatas sa konstruksyon, hanggang sa naging katulong siya sa talyer ng isang kamag-anak.

Sa Maynila siya naugnayan at namulat ng mga estudyante at manggagawang aktibista. Naging aktibo siya sa pagkilos noong Sigwa ng Unang Kwarto ng dekada 70. Kasama siya sa mga nag-organisa sa mga manggagawa sa pabrika. Kalahok siya sa mga pulong pag-aaral sa mga eskwelahan at sa mga demonstrasyon sa Mendiola.


Sa naganap na “Siege of MalacaƱang” siya tinawag na Che ng mga kasama. Sa isang litrato na lumabas sa mga pahayagan noon, kamukha niya ang rebolusyonaryong si Che Guevarra. Sa litratong iyon, nakasakay siya sa trak ng bumbero na naagaw at isinugod ng mga aktibista sa gate ng Malakanyang. Mula noon, Ka Che ang naging popular niyang palayaw sa mga aktibista sa Maynila. Pag-uwi niya sa Bikol, Ka Che na ang kanyang pakilala sa mga kabataan, magsasaka at manggagawang bukid na kanyang inorganisa.

Bago magtapos ang taong 1970, pinangunahan ni Ka Che ang pagtatayo ng Bagong Katipunan sa Camarines Sur. Kasabay nito, naitayo din ang Lakas ng Kabataan sa Sorsogon at ang Katipunan ng Bagong Kabataan sa Albay. Ito ang unang mga pambansa-demokratikong organisasyon sa mga kalunsuran at sentrong bayan ng Bikol. Sa unang panrehiyong kumperensya ng Kabataang Makabayan (KM) na idinaos sa Sorsogon noong Marso 1971, ang mga organisasyong ito ay pormal na naging mga tsapter ng KM.

Nagpunyagi si Ka Che kasama ang iba pang kabataang aktibista sa pagtangan sa wastong linya ng pambansa-demokratikong rebolusyon. Binigo nila ang pagtatangka ng mga ahenteng maka-Lava na impluwensyahan ang Bagong Katipunan.

Agad silang sumabak sa gawaing masa sa bahaging Tigaon-Ocampo. Sa hanay ng mga manggagawang bukid sa isang asyenda ng tubuhan sa Ocampo sila unang nag-organisa. Inugnayan din nila ang kanyang mga kamag-anak sa mga bayan ng Sangay at Tigaon. Inabot din ng kanilang pag-oorganisa ang mga bayan ng Goa, Tinambac, Baao, Iriga at Buhi.

Hinangaan ng masa si Ka Che dahil sa kanyang katatagan sa prinsipyo. Kapansin-pansin din ang kanyang taas na anim na talampakan. Katangian din niya ang pagiging masayahin, palabiro, at maliksi sa pagkilos. Asintado din siyang gumamit ng baril.

Malinaw kay Ka Che ang pangangailangang maitayo ang hukbong bayan sa Kabikolan. Kaya lahat ng kanyang mga pagsisikap ay tungo sa pagtatayo . Di nagtagal, bumuo na rin sila ng isang armadong pangkat. Nakilala ito sa tawag na “armadong KM.” Kasabay ni Ka Che sa armadong pangkat ang nakatatanda niyang kapatid na si Ka Benjie (Ruben Jallores).

Ang armadong pangkat nina Ka Che ay agad namang naugnayan ng Partido Komunista ng Pilipinas. Marso 1971, pormal silang binuo bilang kauna-unahang yunit ng Bagong Hukbong Bayan sa Bikol. Ito ang kauna-unahang Sandatahang Yunit Pampropaganda (SYP) sa Bikol na nasa ilalim noon ng rehiyong Timog Luzon. Tumulong din si Ka Che sa pagsasanay ng mga kadreng magbubukas ng sonang gerilya sa mga prubinsya ng Albay at Sorsogon.

Agosto 21, 1971, naganap ang unang labanan sa rehiyon. Kinubkob ng mga elemento ng Philippine Constabulary (PC) ang yunit nina Ka Che na nakahimpil sa isang bahay sa sityo Mambulala sa Brgy San Pedro, Iriga City. Magiting na dumepensa sina Ka Che. Napatay nila ang isang sarhento ng PC at nasamsam nila ang isang riple. Nagbuwis ng buhay sa labanan si Ka Goryo at ang anak na dalaga ng may-ari ng bahay na si Celia Naldo. Sa tulong ng masa, nakaiwas sina Ka Che sa pagtugis ng 600 na PC na nag-operasyon sa loob ng isang buwan.

Mabilis na dumami ang mga armas ng BHB sa tulong ng mga kaibigan, kamag-anak at masang naugnayan. Bago matapos ang taon, umabot na sa dalawang iskwad ang bilang ng mga pulang mandirigma sa Camarines Sur na hinati sa limang tim.

Disyembre 18, 1971, muli silang napalaban sa isang baryo sa Tigaon. Nasugatan doon si Ka Che. Dahil sa walong tama ng bala at shrapnel sa katawan, kinailangan niyang magpagamot at magpahinga.

Disyembre 30, 1971, natunton ng mga PC ang lugar kung saan nagpapagaling si Ka Che. Nalaman ng kaaway na siya ay nasa pangalawang palapag ng isang apartment sa Ateneo Avenue sa Naga City. Sumugod ang isang pangkat ng PC sa pamumuno ng Provincial Commander na si Col Antonio Habulan. Pilit nilang pinasusuko si Ka Che, na binansagan nilang “Kumander Tangkad.” Pero hindi natinag ang kanyang paninindigan. Lalo niyang hinigpitan ang hawak sa kanyang kalibre 45.

Lumaban si Ka Che sa mga PC na sumukol sa kanya. Nakipagbarilan hanggang sa huling hininga. Nang humupa ang usok ng labanan, patay ang PC na si Lt Segundino Agahan. Dito ibinuwis ni Ka Che ang kanyang buhay. Tadtad ang kanyang buong katawan ng mahigit 22 tama ng bala.

Binurol ang kanyang labi sa simbahan ng Tigaon. Dinakila at pinarangalan siya ng mga estudyante, kabataan, magsasaka at parahag-ot na nagdagsaan sa kanyang burol. Binigyang pugay siya ng mga taong kanyang naimulat. Nakasuot ng damit na pula ang kanyang mga kamag-anak, bilang pakikiisa sa simulaing kanyang pinaglaban. Libu-libong tao ang naghatid kay Ka Che sa kanyang huling hantungan.

Taong 1986, ipinangalan kay Kasamang Romulo Jallores ang panrehiyong kumand ng BHB sa Bikol bilang paggunita sa kanyang pagpupunyaging maipundar ang armadong pakikibaka sa rehiyon at mailapat ang Marxismo-Leninismo-Maoismo sa kongkretong kalagayan ng Bikol.


Links:
http://chebikol.wordpress.com/2011/04/29/ka-che-romulo-jallores/

http://bcl.wikipedia.org/wiki/Romulo_Jallores

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento